Reporter ng ABS-CBN sinaktan din ni Bong Alvarez
Friday, August 24th, 2007Martes, Agosto 21, 2007
Isang reporter ng ABS-CBN ang nagsampa ng reklamo laban sa dating basketball player na una nang nanakit ng taxi driver.
Kuhang-kuha sa video ang aktuwal pag-atake ni Paul “Bong” Alvarez kay Gretchen Malalad, ang reporter ng ABS-CBN, bandang alas-siyete ng Martes ng umaga.
Nakasabay ng DZMM ang crew ng ABS-CBN News team na pinangungunahan ng reporter na si Malalad sa coverage sa pambubugbog umano ni Alvarez sa taxi driver na si Wilfredo Cabanlit.
Sa umpisa pa lang, tumangging magpakuha sa camera si Alvarez. Binantaan pa ni Alvarez ang cameraman ng news team na babasagin ang camera nito.
Nirespeto ng cameraman ang kagustuhan ni Alvarez at hindi na siya nilapitan.
Pero pursigido ang ABS-CBN reporter na makuha ang buong istorya.
Ayaw ni Alvarez na may media sa loob ng Mandaluyong Police Station habang nakikipag-usap siya sa mga pulis.
Habang karapatan ni Alvarez na huwag magbigay ng pahayag, iginiit ni Malalad na walang karapatan ang basketbolista na palabasin siya at kanyang team sa police precinct.
Sa kuha sa video, nakita kung paano pa-simpleng siniko ni Alvarez sa panga si Malalad habang papalabas siya ng pinto. Sinapak pa sa kaliwang panga ang reporter.
Matapos ito, nagkagulo na at hindi na rin nakapagpigil ang babae at gumanti kay Alvarez.
Sinabunutan ni Alvarez si Malalad. Agad umawat ang mga pulis at pinosasan si Alvarez at idiniretso na sa kulungan.
Agad rin namang nagpasuri sa medical-legal si Malalad na pulang-*** ang mukha.
Nagsampa na ng kaso laban kay Alvarez si Malalad sa piskalya sa Mandaluyong.





