RP Karatedo, Sasabak Na
December 9, 2006By: Victoria Awitan
Filed Photo by: Cesar Panti
Sa pagsabak ng Filipino karatekas sa karate competition ng ginaganap na 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre 12, tiyak na aabangan ng lahat ang magiging resulta ng kampanya ng 3-time gold medal winner sa Southeast Asian Games na si Gretchen Malalad.
Si Malalad ay nakatakdang umalis ng bansa ngayong hapon kasabay ng pagtungo ng iba pa niyang teammates sa Doha buhat sa Naples, Italy, gayundin ng pinakahuling batch ng Pinoy athletes at officials na kabilang sa Team Philippines sa ginaganap na quadrennial meet.
Inaasam ng 26-anyos na si Malalad sa kanyang pagsabak sa women’s -60 kg. individual kumite event na maduplika kung hindi man malagpasan ang bronze medal finish na kanyang nakuha noong 2002 Busan Asian Games.
Hindi naging madali para kay Malalad ang kanyang paghahanda para sa kanyang ikalawang Asiad dahil nagkaroon siya ng knee injury noong nakaraang buwan.
Dahil sa pagiging abala sa labas ng sports, isang international competition lamang ang sinalihan ni Malalad ngayong taon, kung saan nanalo siya ng gintong medalya sa Korean Open Championships kamakailan.
“Yung mga sumali doon, sila rin (most likely) ‘yung maglalaro sa Asian Games, eh,” wika ni Malalad sa isang television interview kamakailan.
“(Ngayon pa lang), maraming maraming salamat sa suporta ninyo, sa lahat ng sambayanang Filipino na nagtitiwala sa akin. Once you’re dreaming for something, kung gusto mong makuha ‘yan, hardwork lang ang kailangan,” aniya.
Kumpiyansa naman si national karate president Ed Ponce na sa kabila ng injury ay magdedeliber ang ‘poster girl’ ng Philippine karate.
Hindi lang si Malalad, na kahit nag-umpisa na ang Doha Asian Games ay patuloy pa ring lumalabas sa isang reality talent show kung saan tumatayo siyang physical fitness instructor, ang may pag-asa upang muling makakuha ng medalya ang karate sa Asiad.
Sa mga nakalipas na torneo sa Europe sa huling dalawang buwan, sumingasing sina SEA Games gold medal winner Marna Pabillore at Mae Soriano kaya may kakayahan ang koponan na lagpasan ang dalawang bronzes na nakuha sa 2002 Busan Games.
Ang iba pang sasabak sa Doha ay sina Nelson Pacalso, Junel Perenia, Bong Toribio and kata specialist Noel Espinosa.
Magmula nang isama ang karate sa Asiad calendar noong 1994 Hiroshima Games ay hindi pa nakakasambot ng gintong medalya ang Pilipinas.
Taken from:
Page 14 Bulgar Boses ng Masa, Mata ng Bayan Blg. 8 Taon 15
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.






