Kumpiyansa ang RP karatekas
December 9, 2006Ni Theodore P. Jurado
Disyember 9, 2006
Walang dudang nakatuon ang pansin ng lahat kay three-time Southeast Asian Games gold medalist Gretchen Malalad sa pagsabak ng Philippine karate team sa Doha Asian Games.
Aalis si Malalad sa bansa ngayong hapon, kasabay ng paglisan ng kanyang mga kakampi sa Naples, Italy, kung saan nagsasanay ang mga national karatekas simula pa noong September, ang huling batch ng atleta na tutulak sa Doha.
Hangad ng 26-anyos na si Malalad, na sasabak sa 60 kg. individual kumite event na gaganapin sa Dec. 12 - 13, na maduplika ang kanyang bronze medal finish sa Busan edition, may apat na taon na ang nakalilipas.
Subalit hindi naging madali para kay Malalad ang kanyang paghahanda para sa kanyang ikalawang Asiad, lalo’t nagkaroon ang magandang karateka ng knee injury noong nakaraang buwan.
Dahil sa pagiging abala sa labas ng sports, isang international competition lamang ang sinalihan ni Malalad ngayong taon, kung saan nanalo siya ng gintong medalya sa Korean Open championships kamakailan.
“Yung mga sumali doon, sila rin (most likely) ‘yung maglalaro sa Asian Games eh,” wika ni Malalad mula sa isang television interview ng ABS-CBN kamakailan.
“Ngayon pa lang, maraming maraming salamat sa suporta ninyo, sa lahat ng sambayanang Pilipino na nagtitiwala sa akin. Once you’re dreaming something, kung gusto mo, makukuha mo ‘yan eh, basta ano lang, talaga hardwork lang,” aniya.
Kumpiyansa naman si national karate president Ed Ponce na sa kabila ng injury ay magdedeliber ang ‘poster girl’ ng Philippine karate.
“Gretchen is a fighter. I know she will do good, I saw her in practice. Mas matindi na ang mga sipa niya ngayon and sa tingin ko, she will make an impact sa Asian Games,” wika ni Ponce, na tumatayo ring team manager.
Hindi lang si Malalad, na kahit nag-umpisa na nag Doha Asian Games ay patuloy pa ring lumalabas sa isang reality show kung saan tumatayo siyang physical fitness instructor, ang may pag-asa upang muling makakuha ng medalya ang karate sa Asiad.
Sa mga nakalipas na torneo sa Europe sa huling dalawang buwan, sumingasing sina SEA Games gold medal winner Marna Pabillore at Mae Soriano kung kaya’t may kakayahan ang koponan na lagpasan ang dalawang bronzes na nakuha sa 2002 Busan Games.
“Everyone has a chance na makakuha ng medal. Maganda naman ang ibinigay na training ni (Italian coach) Giuseppe Romano and sana, magbunga ang lahat ng paghihirap nila at sakripisyo,” wika ni Ponce.
Ang iba pang sasabak sa Doha ay sina Nelson Pacalso, Junel Perenia, Bong Toribio at kata specialist Noel Espinosa.
Magmula pa noong isama ang karate sa Asiad calendar sa 1994 Hiroshima Games ay hindi pa nakakasambot ng gintong medalya ang Pilipinas.
Taken from:
People’s Taliba
Vol 26 Blg. 150
Sports Section, Page. 15
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.






